Pasensya na. Im doing an environment book on the endangered species in the Philippines. Pero dapat sa Tagalog dahil target nito ay mga high school students na kailangang magbasa ng Pilipino. Secret muna ang title. Any comments?
ANG MGA LUMBA-LUMBA
Minsan, masarap isipin kung may pagkakataon ba na makipag-usap sa ating mga tao ang mga hayop. Yung mga binibigkas ba nilang kaw!, eeett!, at chsssk! Ay may katapat ba na salitang pantao?
Ang isang halimbawa ay ang mga lumba-lumba o dolphins na malalayang lumalangoy sa malalawak na karagatan.
Sa marami sa atin, nakikita natin sila sa telebisyon o sa mga modernong pasyalan na mga hayop na pantubig ang mga atraksiyon. Sa isang kumpas ng kamay ng taong nagtuturo sa kanila, biglang tatalon ang mga lumba-lumba o di kaya’s lalangoy ng matulin na matulin paikot sa kanilang kulungan! Papalakpak tayo sa masayang palabas. Sa tingin naman natin ay mukhang masasaya din ang mga lumba-lumba sa ginagawa nila. Pagkatapos ng isang palabas ay hahagisan sila ng isda at makikita natin sila na nakangisi ng todo.
Pero iba pala ang kapalit na kaligayahan kung sa malayang dagat natin sila nakikita. Doon, kailangang hanapin natin sila, hindi aabangan na lumabas sa malaking swimming pool. Nagsisimula ang swerte mo pag may natanaw kang mga palikpik na umuusli-usli sa ibabaw ng dagat. Lalapit ka ng unti-unti at makikita mong napakarami pala nila! Sampu! Dalawampu! Isandaan! Nakupo, minsan mahigit silang dalawang daan na malalaking mga lumba-lumba na masasayang naginginain at naglalaro sa gitna ng dagat! Merong tumatalon ng pagkataas-taas, may isang uri naman na ang gawi ay umikot ng umikot habang pumapaimbulog sa ibabaw ng dagat.
Pag lalo ka pang sinuwerte, ang iba ay lalapit sa bangka mo at sasabay at magpapabaling-baling sa mga alon na nililikha ng bangka. Paraan nila yun upang makapagpahinga ng sandali at maglaro. Makikita mo ang maliit na butas sa kanilang ulo na nagsisilbing hingahan nila. Bubukas iyon pag lumalabas ang ulo ng lumba-lumba sa tubig, at kusang magsasara sa sandaling pumailalim ang hayop. Maririnig mo rin ang matunog na ingay na parang siyap ng sisiw sa sandaling magsara ang maliit na butas.
Masaya, napakasaya nilang panoorin, lalo na pag nalaman mo na napapaligaya ka nila na wala silang hinihintay na kapalit. At ang mga ngiti nila ay parang mas totoo kumpara sa mga nakakulong na lumba-lumba.
Minsan nga ay makikita mo sila na kusang lumilingon sa iyo at tititig na para bang may gustong sabihin. Naaalala ko tuloy ang mga kuwento ng mga kaibigan ko tungkol sa mga matamis na enkwentro nila sa mga lumba-lumba. Mas magaganda kasi ang ilang enkwentro nila kumpara sa akin.
May pinsan ako na nagtrabaho sa isang barkong pangisda sa Mindanao. Minsan ay may kasama siya, na sa kalasingan, ay nahulog sa barko! Dala-dala raw ng lasing na tripulante ang de-tiklop na papag na nagligtas sa pagkalunod niya. Ang malas, walang nakamalay sa kanyang pagbulusok sa malalim na dagat. Sa loob ng dalawang araw ay palutang-lutang siya sa dagat Celebes bago siya nasagip ng isa pang barko Ang kuwento niya, sa ikalawang gabi ng palutang-lutang niya sa karagatan ay napalibutan siya ng napakaraming pating! Akala ng tripulante ay katapusan na niya. Pero bago pa man siya malapa ng mga pating ay nagdatingan ang sanlaksang mga lumba-lumba na nagtaboy sa mga pating.
Ang kaibigan ko namang si Rowena ng siyudad ng Bais sa probinsiya ng Negros Oriental ay nagtrabaho bilang giya ng mga turista na sumasali sa Dolphin Watching tours. Minsan sa paglaot nila upang magdala ng mga turista sa lugar ng mga lumba-lumba ay may napansin ang grupo ni Rowena ng may sumusunod na maliit na pangkat ng mga lumba-lumba. Walang humpay ang pagsunod ng mga hayop sa bangka, pero unti-unti silang nababawasan. Hanggang sa isa na lang ang natitirang lumba-lumba na pinipilit lumangoy papalapit sa mga tao. Tumigil sina Rowena upang siyasatin ang hayop. At sa kanilang pagkamangha ay kitang-kita nila na may na buntot ng maliit na lumba-lumba na nakausli sa bandang ilalim ng tiyan ng hayop. Nanganganak pala ang lumba-lumba! Habang nakahinto ang bangka ay paikot-ikot ng mabagal ang kawawang hayop.
Nagtalo-talo ang mga tao sa bangka kung ano ang dapat nilang gawin. Humihingi ba ng tulong ang lumba-luba? Dapat ba nilang tulungan ito? O, dapat ba nilang hayaan na ang kalikasan ang gumawa ng paraan para sa hayop?
Nagkasundo ang lahat na susubukan nilang tulungan ang nanganganak na lumba-lumba. Sa muli nilang pagkagulat, pinabayaan ng hayop na hawakan siya ng tao at kusa itong humimlay sa bisig ng tao. Maayos nila itong naisampa sa malaking bangka. At unti-unti ay tinulungan nilang mailabas ang sanggol na lumba-lumba. Subalit, patay na ito ng mailuwal. Maging ang ina ay pumanaw makalipas ang ilang sandali.
Marami ang nagtatalo kung tama ba o mali ang ginawa nina Rowena. Pero mali man o tama, ang isang malinaw na bagay ay nagtangkang humingi ng tulong ang lumba-lumba sa tao.
May isang lugar sa bansang Australia na kung saan sikat na sikat ang isang grupo ng mga lumba-lumba. Doon, malaya silang nakakalapit sa mga taong naliligo sa dagat. At ang mga tao naman ay nagagawang hawakan ang mga hayop. Magandang panoorin ang tanawing iyon. Parang nakikipaglaro ang mga hayop na malaya sa mga taong nakakaunawa sa kanila.
Kabaliktaran ito sa nangyari sa isang lugar sa Pilipinas maraming taon na ang nakakalipas. May dalawang bata na nasa pampang ang kusang nilapitan ng dalawang lumba-lumba. Masarap sanang isipin na gustong makipaglaro ng mga hayop na iyon sa mga bata. Subalit iba pala ang nasa isip ng mga matatanda ng kasama ng mga bata. Dala-dala ang mga gulok, pinatay nila ang mga hayop!
Hindi na natin malalaman kung ano ang nais ipahiwatig ng mga lumba-lumba sa mga bata.
Ngayon ay bawal nang pumatay ng lumba-lumba sa Pilipinas. Sana, protektado man ng batas, mas lumalim pa ang pang-unawa at pagkalinga natin sa kanila.
Tuesday, August 08, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment